This essay won first place in the Blog Writing Contest of the Main Library. Congratulations to Mr. Mendi!
Leonard Matt C. Mendi
Ang
mga libro at mga pelikula ay parehong kinikilala at tinataguriang mga gawang
sining. Sinasabi na ang mga libro ay inilimbag na mga kaisipan, ideya, saloobin
at damdamin ng mga manunulat. Ginagamitan ng mga manunulat na ito ang kanilang
kapangyarihan sa pamamagitan ng pag-gamit ng matatalinghaga at mabubulaklak na
mga salita bilang kanilang mga pansariling sandata. Ang mga pelikula naman na
taglay mula sa kanilang sariling mga libro ay ginagamitan ng mahusay na
sinematograpiya at makukulay na grapikong ginagamitan ng masusing pagtatrabaho
sa mga kompyuter. Sa hindi matapos tapos at patuloy na labanang ito, kaninong
pangkat nga ba ang may pinakamaraming sandata at pinakamakapangyarihan upang pamunuan
ang trono at tapusin ang digmaan?
Ang mga
libro ay isa sa mga panimulang kagamitan sa pagkuha natin ng kaalaman. Ang iba
sa atin ay lumaki na binabasahan ng ating mga magulang bago tayo matulog sa
gabi. Ayon sa mga dalubhasa, kung ano ang nakikita ng anak sa kaniyang mga
magulang, iyon ang nakukuha nila sa kanilang paglaki. Ang mga libro ay susi sa
mas malawak na kaalaman sa pamamaraan ng pagsiyasat at masuring pag-aaral sa
mga libro. Ayon sa mga siyentipikong pag-aaral, mas mabisa ang pagbabasa sa
pagkuha ng impormasyon kaysa sa pakikinig lamang. Mas madali para sa atin ang
magkabisa kung ang isang bagay ay paulit-ulit nating binabasa kaysa sa
paulit-ulit nating naririnig.
Tumungo
naman tayo sa labanan ng libro at kanilang sariling pelikula. Kung iisipin, mas
mabilis at kayang tapusin ng isang upuan ang pelikula kaysa sa libro, ngunit
maihahambing ito sa pangkat na lumaban ng hindi pinag-iisipan ang stratehiya ng
kanilang kalaban. Habang umaatake ang mga pelikula, ang mga libro ay pinupunan
ang mga detalyeng hindi naibabanggit sa mga pelikula. Kung ang pelikula ay
epektibo, masasabing mabisa ang mga libro. Ang mga libro katulad na lamang ng
mga nobela ay isang uri ng panitikan kung saan nagsasaad ng kwento ang
manunulat mula sa kaniyang sariling imahinasyon at kaisipan. Ito ay isang
detalyadong kuwento na kung saan ang labinglimang segundo ng pelikula ay
maaaring umabot ng labinglimang pahina sa libro.
Ang
mga pelikula ay karaniwang nagtatagal ng isa hanggang tatlong oras lamang, isa
itong kalamangan ng mga pelikula sa libro. Ngunit, isa ito sa mga kadahilanan
ng pagiging tamad ng mga Pilipino sa pag-iintindi at pagsusuri ng mga libro.
Mas pinipili nila ang mas madali at mas mabilis na paraan, kasya sa
pinagtatiyagaan ang mga bagay na magbubunga ng mas masaganang resulta. Ang mga
libro ay simbolo ng pagiging matiyaga dahil kung matapos mo ang isang mahabang
nobela, katibayan ito na naglaan ka ng pansarili mong oras upang mawakasan mo
ito.
Dahil
din sa pagbabasa, napapalawak nito ang ating pag-iisip at nadaragdagan ang
ating kaalaman ukol sa mga bagong bokabularyo at talasalitaang natatagpuan
natin sa mga libro. Kung ikukumpara sa mga pelikula, maaaring masabi lang ng
mga tauhan sa kuwento ang mga salitang hindi mo alam at may posibilidad na
magkaroon ng pagkalito sa nais iparating ng mananalita.
Isa
pa sa mga sandata ng mga libro ay ang kapangyarihan ng mga itong dalhin ang mga
magbabasa sa ibang dimensiyon, mundo, at realidad. Nabubuhayan ang ating mga
isip dahil sa libro sa pamamaraang paggamit ng mga manunulat ng eksena at
kuwento na malayo sa realidad ng mundo natin ngayon. Katulad na lamang ng mga
serye ng librong “Harry Potter”, “Chronicles of Narnia” at “Lord of
the Rings: Trilogy” na may mga kaakibat na mga pelikulang ginawa ng mga
direktor. Sa mga pelikulang ito, mas makapangyarihan ang libro dahil nakukuha
lamang ng mga direktor at tagasulat ng mga dayalogo and kanilang kapangyarihan
sa kung ano ang nakasulat sa libro. Ang mga libro ang pinagkukuhanan ng lakas
ng mga pelikula at dahil kung walang mga libro at ideya si Nicholas Sparks, ay
hindi magkakaroon ng kahit na anumang pelikula mula sa mga librong inilimbag ni
Nicholas Sparks.
Sa
pagbabasa ng isang libro ni Nicholas Sparks, ako ay namangha sa pamamaraan niya
ng paggamit ng mga salita upang buoin ang isang kabanata. Alam ng marami na
mayroong pelikula ang “A Walk to Remember” at bilang isang mambabasa na
nagustuhan ang libro, akin itong pinanood ngunit sa aking pagkadismaya, ako ay
nalungkot sa kuwento at sa bilis ng takbo ng mga pangyayari, dahil ang mga
maliliit na bagay at detalye sa libro, ay ang nagbibigay ng kulay at ako ay
naniniwala na ang mga maliliit na detalye ay hindi itinuturing na maliit lamang
dahil ginagawa ng mga ito ang higit pa sa kung ano ang naipapakita ng buod ng
libro. May mga sitwasyon kung saan napakalaking butas ang nawawala sa mga
pelikula at ito ang dahilan kung bakit mas masaya pa rin mahalin ang mga libro
kaysa sa mga pelikula.
Sa
mga librong aking nabasa, nakukuha ang aking atensiyon dahil sa galing ng mga
manunulat sa pag-iisip ng mga katangian ng bawat tauhan sa kuwento. Naiiba rin
nila ito sa mga iba pang mga tauhan sa mga ibang libro kaya naman mas maganda
ang pag-unlad ng mga katangian ng mga tauhan sa libre kaysa sa pelikula. Dahil
sa bawat galaw at desisyon na kanilang gagawin, maaari itong magdulot ng
matinding paghanga sa tauhan kaya may mga iba akong kilalang napupusuan ang mga
tauhan sa libro kahit na alam naman nila na hindi ito umiiral sa mundo at hindi
nila ito nakikita.
Bilang
estudyante, alam naman natin na isa sa mga pasilidad na mayroon ang ating
paaralan ay ang silid-aklatan kung saan matatagpuan ang daan-daang mga libro sa
iba’t ibang uri nito. Panatilihin nating maging masipag sa pagbabasa dahil ito
ay nakakatulong sa atin sa pang araw-araw na pamumuhay. Sa aking mga karanasan,
ang libro ay laging yumayakap sa ating utak at dapat nating hayaang yakapin
pabalik ng utak natin ang mga librong ito. Ang silid-aklatan ay isang silid na
kung saan napapaloob ang tahimik at mapayapang kapaligiran upang matulungan
tayong makapag pokus sa kung anong ating binabasa.
Sa
haba man ng pakikipaglabanan ng mga libro at pelikula, mananatiling ang mga
libro ang mamumuno sa trono. Mayroon mang mga espada ang mga pelikula, mayroon
naming baril, granada at misayl na wala ang mga pelikula. Ngunit sabi ko nga sa
umpisa, parehong itinuturing ang pelikula, libro at iba pang mga uri ng panitikan
na meron tayo, ang Pilipinas ay sagana at mayaman sa mga obra maestrang
nakapaloob sa ating bansa.
No comments:
Post a Comment