Wednesday, November 13, 2019

ANG KAHALAGAHAN NG PAGBABASA NG LIBRO SA KABILA NG PATULOY NA PAG-UNLAD NG TEKNOLOHIYA


This essay won third place in the Blog Writing Contest of the Main Library. Congratulations to Ms. Dela Vega!


Ang Kahalagahan ng Pagbabasa ng Libro sa Kabila ng Patuloy na Pag-unlad ng Teknolohiya
Cathlene Dela Vega

Hindi na lingid sa ating kaalaman na sa patuloy na pag-unlad ng ating teknolohiya ay kasabay nito ang unti-unti nating paglimot sa kahalagahan ng pagbabasa ng libro. Sa panahon ngayon, madalas tayong umaasa sa mga impormasyong nakukuha sa internet tulad ng mga nilalaman ng mga websites, journals, articles at iba pa. Madalas na binabaliwala na natin ang pagbabasa ng pisikal na libro dahil sa mga elektronikong aparato na laganap ngayon. Hindi rin bago sa atin na ang paggamit ng teknolohiya ay nakakapagpapadali sa ating buhay kung kaya’t ito ay mas pinapaboran ng ating lipunan.


Ngunit hindi sa laging panahon nagiging kapaki-pakinabang ang mga impormasyong nakukuha sa internet. Karamihan doon ay hindi masasabing totoo o kulang-kulang sa kaalaman na ating kinakailangan. Laganap dito ang ‘fake news’ at kung hindi tayo mag-iingat ay maaari tayong mabiktima nito. Bukod doon ay marami pang mga panganib ang maaaring makatagpo kung palagi tayong umaasa sa impormasyong walang matibay na basehan o patunay.

Ang mga libro ay nilikha ng iba’t ibang may-akda na may sapat na kaalaman sa isang tiyak na paksa. Samakatuwid, pagdating sa pagkalap ng impormasyon, ang libro ay magandang basehan dahil ang mga impormasyong nakapaloob rito ay masidhing pinag-aralan at pinag-isipan. Mas matuturing na totoo ang kaalaman na nakapaloob dito dahil may matibay na katunayan at mga ebidensya. Isa pa sa dahilan kung bakit maituturing rin natin na magandang basehan ng impormasyon ang libro ay dahil ang mga nakasaad dito ay kumpleto at detalyado. 

                Ang masyadong pagbabad sa mga elektronikong gadget ay maaaring magresulta sa paglabo ng mata dahil sa radiation na mula rito. Ang mga libro, pagkat gawa sa papel, ay hindi magkakaroon ng masamang epekto sa mata o sa ibang parte ng katawan. 

                Mas matatanim sa ating utak ang mga kaalaman kung ito ay manggagaling sa libro. Hindi katulad sa internet na maaari nating i-copy paste ang mga impormasyong nakakalap. Manual man ang paraan ng pagkalap ng impormasyon sa libro, mas marami naman tayong matututunan dahil kailangan nating basahin ito para makuha ang kinakailangang mga detalye.

Sa internet, marami tayong makikitang mga ad at hindi kinakailangang impormasyon na maaaring magdulot sa tinatawag na “information overload.” Ang libro ay makakatulong sa pagkontrol sa mga impormasyong tatanggapin ng ating isipan. 

Tunay nga na pagdating sa pagiging praktikal, maaasahan natin ang teknolohiya dahil mas madaling gamitin. Ngunit maraming mga panganib ang kaakibat nito. Kaya’t mas maganda pa ring piliin ang pagbabasa ng libro.

No comments:

Post a Comment