Tuesday, January 26, 2016

MAPA NG PILIPINAS… NOON AT NGAYON: ANG PAGLULUNSAD

Batid natin ang kahalagahan ng mapa para sa mga manlalakbay na umaasa sa wastong direksyon, subalit malaki rin ang naitutulong ng mga ito upang ikwento ang kasaysayan ng isang bansa. Sa bawat islang makikita natin sa mga antigong mapa, isinasalaysay sa atin ng mga mandaragat ng unang panahon ang kwento ng kanilang pagdiskubre sa daigdig.

Ang pagkawili ng dating Dr. Armand V. Fabella sa pagtipon at pag-aral ng mga lumang mapa ang naging inspirasyon sa likod ng pagtatanghal na "Mapa ng Pilipinas… Noon at Ngayon". Ang exhibit, na isang kolaborasyon sa gitna ng Jose Rizal University at Philippine Map Collectors Society o PHIMCOS, ay opisyal na inilunsad noong Agosto 24, 2015 sa JRU Main Library. Ang paglitaw ng mga isla ng Pilipinas sa mga sinaunang mapa ng daigdig ang binigyang atensyon ng naturang pagtatanghal.
 
Dinaluhan ang paglulunsad ng mga administrador at mga Dean ng pamantasan, gayundin ng ilang mga mahahalagang panauhin mula sa PHIMCOS. Pormal na binuksan ang exhibit sa pamamagitan ng isang ribbon cutting na pinangasiwaan nina Dr. Vicente K. Fabella, Pangulo ng JRU, at Bb. Maria Isabel Ongpin, curator ng PHIMCOS. Naghandog din ng libro ang PHIMCOS sa Jose Rizal University bilang tanda ng ugnayan ng dalawang institusyon.
  

Ang pormal na pagbubukas ng eksibit nina Dr. Vicente K. Fabella, Pangulo ng JRU, at Bb. Maria Isabel Ongpin, curator ng PHIMCOS.
 
Nagkaroon ng dalawang bahagi ang eksibisyon ng mga lumang mapa: isang panig na mula sa PHIMCOS, at isa pang parte na galing naman sa personal na koleksyon ni Dr. Armand V. Fabella.

Sinusuri ng mga estudyante ng unibersidad ang mga lumang mapa sa exhibit.

Ang paglitaw ng mga isla ng Pilipinas sa world map ang binigyang-atensyon ng pagtatanghal; isang paalala na halos limang daang taon na ang nakalilipas, nanatili tayong 'invisible' sa mata ng mundo -- isang kapuluang lumulutang sa dagat na naghihintay pa lang mailagay sa mapa.

Agaw-atensyon ang imahe ng "Tabula Moderna", isang world map noong 1525 kung saan nawawala pa ang Pilipinas.

Tabula moder. Indiae Orientalis. Galing ang larawan sa https://www.digitalcommonwealth.org/search/commonwealth:9g54xj964

Gayundin ang  "Indiae Orientalis" noong 1581, kung saan hindi makikita ang itaas na bahagi ng Pilipinas dahil Visayas at Mindanao pa lamang ang nadidiskubre.

Abraham Ortelius, Indiae Orientalis, 1581. Galing ang larawan sa https://www.raremaps.com/gallery/detail/19001/Indiae_Orientalis_Insularumque_Adiacientium_Typus/Ortelius.html
 
Nakakaakit suriin ang bawat lumang mapa sa exhibit; bawat isa ay naglalahad ng kuwento ng pakikipagsapalaran ng mga manlalakbay-dagat upang tuklasin ang makabagong mundo. Nakatutuwang malaman na sa gitna ng kanilang masalimuot na paghahanap, nagawa nilang madiskubre ang bawat isa sa 7,107 isla na bumubuo sa bansang Pilipinas.
 
Pinagmamasdan ng mga guro ng unibersidad ang mga lumang mapa ng Pilipinas mula sa Dr. Armand V. Fabella Map Collection.
























 
Sa loob ng tatlong linggo, iba't-ibang mga estudyante ng unibersidad ang dumalaw sa Main Library upang saksihan ang mga lumang mapa. Kaakibat ng programa, nagsilbing mga tour guides sina G. Jevy Abunan, librarian, at Bb. Hannah Costas, Book Buddies Club president, para sa mga mag-aaral ng elementarya at hayskul. Ilang mag-aaral ang nagbigay-katanungan ukol sa mga namumukod-tanging mapang naroon, at pagkatapos ay masayang nagsipagkuhaan ng group pictures bilang tanda ng kanilang pagdalo sa okasyon.  Natapos ang exhibit noong Setyembre 15, 2015.

Carte Hydrographique & Chorographique des Isles Philippines, 1760, Nuremberg. Galing ang larawan sa https://www.raremaps.com/gallery/detail/40777/Carte_Hydrographique_and_Chorographique_des_Isles_Philippines_Dediee_a_Sa/Lowitz-Homann%20Heirs.html


Mabuti ang naging pagtanggap ng mga nagsipagdalo sa ginawang pagtatanghal. Inaasahan na ang eksibit ay isa lamang sa marami pang aktibidad na magtatawid ng nakaraan sa kasalukuyan.

2 comments:

  1. It's very nice to learn about the past and the future of our country. It is very interesting beacause of the changes and the legendary parts of our country. It tell us what's something new and remembering the past.

    ReplyDelete
  2. Ortua John Mark SarteFebruary 5, 2016 at 9:21 PM

    "Nakaka antig ng isipan Basahin ang tungkol sa lumang Mapa ng Pilipinas, Ito ay hindi lamang para sa mga manlalakbay kundi para na rin sa lahat na tao na umaasa sa tamang direksyon,
    Masaya ako na nalaman ko ang kwento ng lumang Mapa at ang koniksyon ito sa JRU kahit alam ko na hindi lang ito ang buong kwento ng Mapa,
    masasabi kong nagustuhan ko ito kasi Maganda at masaya tingnan at basahin.

    ReplyDelete